Ipagsisigawan ko sa buong mundo

na mahal kita :D

Ikaw na. Ikaw na ang pinaka-imbang nakilala ko sa buong buhay ko.

Simula noong araw na umapak ako sa Maksay, kilala na kita. Sa listahan ko ng mga mayayabang sa batch, basta isa ka na doon. Habang tumatagal, nakilala kita, pero hindi naman tayo naging malapit. Kahit papano, napagtanto kong mabuting tao ka naman. Liniligawan mo pa ang isa kong kaibigan noon, at naging masama ulit ang paningin ko sa iyo nang masaktan siya sa ginawa mo (malandi ka kasi :D). Noong nakaraang bakasyon naman, lagi na kayong pumupunta ni Valjean sa bahay ko para makikain at mambur. Pero kahit kailan, hindi ko talaga inakalang magkakagusto ako sa iyo.

Flash forward.

Ngayon, nasa tabi kita. Pero siyempre, hindi talaga ngayon kasi hello, 11:02PM na kaya, naglalaway ka na sa itim niyong sofa. Pero okay lang yun, alam ko namang ako pinapanaginipan mo :P. Sabi nga nung kanta, hindi naman ako yung tipong niloloko, at hindi naman ikaw yung tipong nagseseryoso. Teka, wag ka muna magreklamo, dati yun, hindi ko naman alam dati na seryoso ka pala sa buhay. Parang hindi kasi eh. Parang joke.

Pero hindi mo ako linoko. At oo, seryoso ka nga. Sobrang sarap sa pakiramdam na mahalin ka, at maging laman din ng puso mo. Kahit ang corny talaga nating dalawa, okay lang. Nagmamahalan naman :> ayiee

Nagsimula naman talaga ang lahat sa Vision eh, kahit GRABE ang stress na nadulot nito. Pero naniniwala ako na ang purpose talaga ng pagsali natin (well ako 'sumali' at ikaw, 'napasali' lakas mo kasi kay boss eh :D diba? hahaha :D)sa Vision ay para makilala natin ang isa't isa. Kailangan kita sa buhay ko, kailangan mo din naman sana ako :D. Noong una, tuwing naghuhugas tayo ng mababantot na pinggan, nanlalandi ka palang. Pero habang lumalaki ang tambak ng maduduming pinggang kailangang hugasan, lumalalim din ang pagtingin ko sa iyo. :> Pero siyempre, sa akin lang yun dati. Nakakahiya naman aminin kasi ikaw nga, sa akala ko noon, yung tipong "manloloko" lang...

Pero isang beses, nang hinugasan natin yung mongkok na pinaglagyan daw ng Nilaga (na akala nating SINIGANG dahil sa sobrang tagal ng pagkatambak 0_0) tinanong mo ako.

"Pa'no kung seryoso na ako?"

Pa'no nga ba? Siyempre kinilig ako :D At sinamahan mo pa ako pauwi nun, napatunayan mong kailangan nga kita sa mga delikadong panahong ito ng buhay ko. Pero di ko na napigilan at napaamin din ako sa iyo. Boom.

At ngayon ulit. Hindi mo alam kung gaano ka kakaiba sa lahat ng dati kong minahal. Masasabi mong malaki talaga ang binago mo sa akin. Una sa lahat, hindi ako nag-expect sa'yo, kaya sobrang napasaya talaga ako sa lahat ng pinaggagagawa mo. At noon, inaamin ko, marami akong gusto, pero ngayon sa'yo, basta't makita kong nagmamahalan tayo, solve na ko :>

Dati naman, nagboblog din ako tungkol sa kanya. Pero ngayon talaga, sobrang natural. Lahat ng nararamdaman ko sobrang totoo na talaga. Wag mo na kong iwan. Mahirap maghanap ng isa pang John Rey Burce sa mundo, bihira lang kayo sa buhay ko :)

Marami akong first time kasama ka, mga unexpected na bagay tulad ng pagpadpad natin kung san san sa Metro Manila. Pero isa na sa mga first time ko ang pag-iyak. Sa'yo lang ako umiyak. Dahil sa sobrang lungkot. Dahil sa sobrang tuwa. Salamat dahil sa tinagal tagal ng panahong naging bato yung puso ko, binuhay mo na kahit papano. Nakakaramdam na ako, at para sa'yo lahat ng ibubuga nito. :)

Sige, ako na ang corny. Pero kakaiba ka talaga. Kasi ngayon, ngayong gabi ko napagtantong may deadline din ang lahat ng bagay na magaganda, lalo naman sa buhay ko. Lahat na ata ng tao, iniwan ako...

Ang pinagkaiba natin sa isa't isa ay ang mga paniniwala natin. Alam kong sa college, gusto mong mag-aral sa ibang bansa, kundi nama'y sa malayong lugar, samantalang ang buhay ko pagka-graduate ay umiikot nalang sa mga university na pinangarap ko na rin. In short, hindi naman talaga tayo magsasama sa college. Hindi ko lang masabi sa'yo yung lungkot nung kinekwento mo ang pagnanais mong mangibang bansa. Ngayon, hanggang March nalang siguro ikaw mapapasakin. Pero kahit alam kong darating din ang ating paghihiwalay, mamahalin kita hangga't di pa dumadating ang araw na iyon.

Gusto kitang makitang may sinabi sa buhay. Gusto ko maging magaling kang kahit ano, basta't pinupusuan mo ito at mahal mo ang ginagagawa mo. Gusto kong suportahan ka, anuman maging desisyon mo. Gusto kong maging yung taong tumulong sa'yo upang maabot mo mga pangarap mo. Sana ako yung katabi mo pag nangyari lahat ng yun. Pero, ano ba yan, umaasa ako sa wala. Dito lang ako eh, magkakahiwalay talaga landas natin. Pero ngayon, habang parehas pa tayo ng biyahe, kapit ka lang sakin ha? Wag ka munang bibitaw... Tumalon ako para sa'yo at sobrang saya ko pa sa aking paglipad, kaya sana, huwag muna akong mahulog sa malamig na lupa ng katotohanan. Paliparin mo muna ako, kahit kaunting panahon nalang. Alam kong suntok sa buwan, pero sana pakinggan ulit ng langit yung hiling ko, sana malakas pa rin ako sa kanila, kahit dito lang... Sa akin ka muna... Sa akin ka nalang...

0 comments:

Post a Comment