Maaari bang pakinggan ang isang hiling?

Dear God,

Alam kong marami akong pagkukulang sa mga taong minahal ako. Sa kabila ng mga pagsubok ng buhay, andiyan pa rin sila, handang sumalo sakin sa aking pagtumba. Pero alam ko, kulang ako sa pagpaparamdam, na parang hindi ko sila pinapahalagahan. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Tuwing nakikita ko sila, nakangiti sa minsanang sandaling nakikita nila ulit ako, bumabalik din ang lahat ng lungkot ng mga alaalang nagtulak sa akin kung nasaan ako ngayon. Ang pinakamahirap tanggapin para sa akin ay ang pagtatago nito. Ang pangyayaring nagtulak sa aking desisyon ay hindi kahit kailan malalaman ng mga mahal ko sa buhay, para na rin sa katahimikan nila. At kung maaari lang, iiwan ko ang lahat ng alam ko sa mundong ito, kakalimutan, at mabubuhay ng payapa muli. Pero gawain iyon ng isang walang kwenta at duwag na anak. Kailangan ko silang alagaan, alam ko. Kailangan ko silang bisitahin at mahalin, alam ko. Mahal na mahal ko sila, pero hindi sapat ang pagmamahal para mapawi lahat ng lungkot at takot sa puso ko.


Kaya ngayon ako ay humihiling. Humihiling para sa pinakamamahal kong kapatid na si Kathleen. Tuwing nakikita ko ang litrato niya, gusto ko siyang alagaan, araw at gabi. Hinihiling tuwing ako'y nalulungkot na sana andito siya sa tabi ko, pupukpukin ang ulo ko at sasabihan ako ng mga nakakatuwang bagay. Gusto ko siyang nakawin at dalhin dito, kung saan ko siya makakasama lagi. O kaya magsariling kusa siyang maglayas doon sa tahanang walang binigay sa akin kung hindi galit, lungkot, kawalanghiyaan, at dumeretso sa kinaroroonan ko. Sana, sa kung anumang desisyon ng tadhana, balang araw ay matikman ko ang sarap ng buhay na kasama siya. Ipinapangako kong kapag siya man ay napunta sa aking pag-aalaga, hinding hindi ko na siya pakakawalan. Hindi na ako ang dating duwag na, kasabay ng pag-iwan sa sakit ng sikretong nakaraan, iniwan ko rin ang pinakamahalagang tao sa buhay ko. Wala akong kwenta. Wala akong pag-iisip. Ngunit nangyari na, at wala na akong magagawa. Hindi ko rin naman masasabing pinagsisisihan ko ang desisyon ko, sapagkat ngayon, nakuha ko ang gusto ko - isang payapang buhay.

Sana patawarin Mo ako sa lahat ng pagkukulang ko. Sinarado ko ang mga pintuang nag-uugnay sa akin at sa masalimuot na nakaraan, pero kasabay nito ang pagsarado ko rin sa pintuan ng aking mga minamahal sa buhay. Tulungan Niyo ako para itama ang libu-libo kong pagkakamali. Tulungan Niyo akong maayos ang mga maling desisyon na napili ko.

At sana, alagaan Mo siya ng lubos lubos, isang bagay na hindi ko nagawa sa buhay niya.

0 comments:

Post a Comment